TD Ester, lumabas na ng PAR pero Habagat paiigtingin
Lumabas na ng Philippine Area of Responsiblity ang Tropical Depression Ester.
Pero ayon sa PAGASA, kahit lumabas na ng PAR ay paiigtingin nito ang Southwest Monsoon o Habagat na siyang magdadala ng mga pag-ulan sa western section ng bansa.
Sa weather bulletin ng PAGASA, lumabas ng PAR ang bagyo kaninang alas-5:00 ng umaga.
Alas-4:00 ng madaling-araw kanina, namataan ang bagyo sa 835 km Silangan, Hilagang-Silangan ng dulong Hilagang Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 55 km/h.
Inaasahang tatakahin ng bagyo ang Ryukyu Island sa Japan habang pagsapit ng hapon ay inaasahang nasa East China Sea na ang bagyo patungong Silangang bahagi ng China.
Samantala, dahil sa paiigtingin ng bagyo ang Habagat, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan.
Pinag-iingat din ang mga residente sa mga flash floods at landslides kung malakas ang buhos ng ulan.
Maulap na papawirin rin na may kasamang manaka-nakang pag-ulan ang iiral sa Visayas, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at nalalabing bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Walang nakataas na gale warning sa alinmang baybayin sa bansa kaya magiging banayad ang mga pag-alon sa karagatan at malayang makapapalaot ang mga mangingisda.