P3.4M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat ng SPD-DEU sa Paranaque City
Higit 3.4 na milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat ng SouthernPolice District Drug Enforcement Unit (SPD-DEU), mula sa itinuturing na high value individual (HVI) na taga Tambo, Paranaque City.
Sa pangunguna ni SPD-DEU Chief Pol. Maj. Cecilio Tomas katuwang ang iba pang operatiba, matagumpay na naaresto ang suspek kasama ang dalawa pang tulak ng droga sa lungsod.
Ayon sa opisyal, matapos ang tatlong linggong beripikasyon ng Intelligence Unit ukol sa main target na si alyas Allen, ay agad na isinagawa ang operasyon sa mismong teritoryo nito sa Puyat Compound, Barangay Tambo.
Hindi alam ng suspek na pulis na pala ang kaniyang ka-transaksiyon.
Nakuha sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na kabuuang market value na 3,434,000.00 pesos, buybust money at iba pang mga kagamitan.
Kakaharapin ni alyas Allen ang kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 sa ilalim ng Aricle 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang paglabag sa Sec. 11 ang kakaharapin ng dalawa nitong kasama.
Ulat ni Jimbo Tejano