OsMak nakatanggap ng pinakamataas na score sa DOH inspection
Nakuha ng Ospital ng Makati ang pinakamataas na ranking sa hanay ng public hospitals sa Metro Manila pagdating sa infection control at COVID-19 response at management.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, nakakuha ng 97/100 na score ang OsMak sa inspection at validation report na isinagawa ng Health Facility Development and Enhancement Unit (HFDEU) ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD).
Ang MMCHD ay isang ahensya sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Base sa score card ng DOH, nakatanggap ang OsMak ng 19/20 sa Governance, 19/20 sa Ethics and Patient’s Rights, 15/15 sa Quality Measurement and Improvement, 20/20 sa Patient Safety, 9/10 for Facility Safety and Emergency Management, at 15/15 sa Resource Management.
Ang audit at evaluation ng lahat ng health facilities sa Metro Manila ay alinsunod sa DOH Memorandum No. 2020-0202.
Tiniyak naman ni Mayor Abby na mas pagbubutihin pa ng lungsod ang pagbibigay ng maayos, ligtas, at siguradong mga serbisyong medikal sa mga Makatizen.
Samantala dahil sa mahusay na pamamahala ng OsMak ay nakuha nito ang pangalawang ISO 9001:2015 certification noong Marso.