China at Japan nagdonate para sa mga biktima ng malakas na lindol
Unti-unti nang dumarating ang mga donasyon galing sa ibang mga bansa para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Hilagang Luzon noong nakaraang linggo.
Pangunahin sa mga nagpaabot ng tulong sa Pilipinas ang mga gobyerno ng China at Japan.
Kabuuang P10 milyong halaga ng bigas at iba pang pagkain mula sa Chinese Embassy at Philippines Chinese Chamber of Commerce & Industry, Inc. (PCCCII) ang natanggap ng kagawaran.
Pinangunahan ni Chinese Embassy Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong at mga opisyal ng PCCCII ang turnover ng mga donasyon na sakay ng walong truck.
Tiniyak ni Zhou na may mga susunod na donasyon na ibibigay pa ang China partikular ang Chinese companies na nasa bansa.
Nakikipag-ugnayan naman ang PCCCII sa gobyerno ng Pilipinas kung ano ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhan.
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na malaking tulong ang mga karagdagang bigas lalo na’t paubos na rin ang suplay nito ng kagawaran.
Ayon pa sa embahada ng Tsina, nauna nang naipadala sa Abra at mga kalapit na lugar ang P3.6 milyon alaga ng relief goods mula sa China.
Nagpadala rin anila ng mensahe ng pakikiramay si Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. dahil sa pinsala sa mga buhay at ari-arian dulot ng lindol.
Bukod sa China, nagkaloob naman ng non-food items ang Japan International Cooperation Agency at Japanese Embassy para sa earthquake victims gaya ng camping tents, sleeping bags, generator sets, at portable water containers.
Nagpasalamat at siniguro naman ng DSWD sa donors na maibibigay sa mga lubos na nangangailangan ang mga donasyon sa lalong madaling panahon.
Moira Encina