Buwanang pensyon ng mga indigent na Senior citizens, tataasan
Magandang balita para sa mga indigent senior citizen at mahihirap na kababayan!
Tataas na sa isanlibong piso ang buwanang pensyon ng mga lolo at lola kada buwan mula sa kasalukuyang 500 pesos.
Nag -lapse at naging batas na ang Republic act 11916 o Act increasing the social pension of indigent senior citizens.
Ang National Commission of Senior Citizens ang magbibigay ng Social pension at pipili ng mga beneficiary batay sa approval ng Department of Budget and Management .
Maaari itong ipamahagi ng cash at direct remittance sa pamamagitan ng mga service provider na inaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at hindi na dapat patawan ng anumang transaction fee.
Ayon kay Senador Joel Villanueva na pangunahing may akda ng panukala, makatutulong ito para sa maintenance medicine at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga lolo at lola.
Sa datos ng Senado, aabot sa mahigit apat na milyong lolo at lola ang makikinabang sa batas na popondohan ng 20 hanggang 24 billion pesos kada taon at dahil hindi pa ito napondohan sa ilalim ng 2022 National budget, maaari itong maipatupad sa susunod na taon.
Nagpasalamat naman ang mga Senador kay Pangulong Bongbong Marcos na pinayagan ang pagsasabatas ng social pension.
Ayon kay Senador Sonny Angara, napapanahon na mabigyan ng dagdag benepisyo ang mga nakatatanda.
2010 pa nang aprubahan ang Republic act 9994 o Expanded senior citizens act at ang inaprubahang pensyon para sa mga nakatatanda ay hindi na akma sa kasalukuyang inflation .
Meanne Corvera