Comelec, isinusulong ang pagkakaroon ng bagong gusali matapos magkasunog sa isa nilang opisina
Sa UPS o uninterruptible power supply na nakakonekta sa isang computer ang isa sa tinitingnang dahilan ng nangyaring sunog sa tanggapan ng Commission on Elections nitong Linggo.
Ang nasabing UPS, ayon sa Bureau of Fire Protection ay nasa laboratoryo na umano para sa karagdagang pagsusuri.
Sa imbestigasyon ay lumalabas na ang apoy ay nagsimula sa ilalim ng lamesa kung saan naroon ang UPS na sunog na sunog.
Kaya naman pinag-aaralan na rin ng Comelec na maghanap ng bukod na lugar para sa kanilang ITD office.
Kanina, personal na ipinakita ng Comelec kasama ang mga opisyal ng BFP ang lugar kung saan naganap ang sunog.
Ang sunog na-confine lang sa reception area o maliit na bahagi sa loob ng Information and Technology Department, ang mga opisina sa loob nito at maging servers ay hindi rin naapektuhan.
Kasunod ng nangyaring sunog, isinusulong ngayon ni Comelec Chairman George Garcia ang pagkakaroon ng sariling gusali ng poll body.
Matapos kasing masunog ang kanilang gusali noong 2007, nagrerenta lang sila sa Palacio del Gobernador habang ang iba nilang opisina ay sa bukod na gusali naman nagrerenta.
Ang nasabing gusali ay maaaring abutin ng 8.2 bilyong piso.
Pag-iisahin nito ang mga opisina ng poll body, maging kanilang warehouse para hindi na rin magbayad ng upa sa Sta. Rosa, Laguna.
Giit ni Garcia, kung ang ibang tanggapan ng gobyerno ay may sarili ng gusali, sila rin dapat ay may sariling pasilidad lalo at sensitibo rin ang kanilang trabaho.
Ayon kay Garcia, isusulong rin niya ang pagtatatag ng Comelec Academy para mapataas ang antas ng kasanayan at kaalaman ng kanilang mga empleyado.
Madelyn Villar – Moratillo