Libreng sakay program ng Office of the Vice-president , umarangkada na
Umarangkada na ang libreng sakay program ng Office of the Vice- President.
Ang libreng sakay ay inilunsad ni Vice -President Sara Duterte -Carpio katuwang ang Department of Transportation.
Ayon kay Duterte, umaasa siyang makatutulong ito para makatipid ng pamasahe ang mga mangagawa at mga pasahero ngayong mataas ang singil sa pamasahe at presyo ng mga bilihin.
Photo Courtesy: Inday Sara Duterte FB page Photo Courtesy: Inday Sara Duterte FB page
Napapanahon rin ito ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng klase.
Ayon sa pangalawang Pangulo, limang bus ang kasama sa launching ng kanilang programa kung saan dalawa dito ay para sa mga pasahero sa Metro Manila, isa sa Davao city, isa sa Cebu habang isa sa Bacolod.
Ayon sa OVP, makikita ang bus na ito sa Edsa mula alas cuatro ng madaling araw hanggang alas diez ng umaga at alas cuatro ng hapon hanggang alas diez ng gabi.
Ang gastos para sa gasolina, maintenance at repair ng sasakyan ay sasagutin ng OVP habang ang may -ari ng sasakyan ang magbabayad naman sa konduktor at driver kaya walang anumang gagastusin ang DOTr.
Maaaring tumagal ang programa ng OVP sa susunod na anim na taon.
Plano rin ng OVP na maglagay ng libreng sakay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dahil sa dami ng pasahero dito kada araw.
Meanne Corvera