Tatlong pangunahing problema sa LTO tinalakay sa ipinatawag na conference ng bagong LTO Chief assistant
Natukoy na ng Land Transportation Office o LTO ang dahilan ng pagbagal ng serbisyo ng ahensya.
Ito ang resulta ng Regional Directors Conference na ipinatawag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz na dinaluhan ng 15 regional directors mula sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region at Caraga Administrative Region.
Sinabi ni Assistant Secretary Guadiz na ang pangunahing problema sa pagbagal ng seribsyo ng LTO ay nasa Information Technology o IT Service Provider na Dermalog na isang German technical service provider.
Ayon kay Guadiz, sa halip na dalawang oras lamang ang pagre-renew ng motor vehicle registration ay tumatagal pa ito ng 5 hanggang 6 na araw.
Inihayag din ni Guadiz ang ikalawang problema na dapat masolusyunan at ito ay ang mahabang proseso ng pagkuha ng driver’s license ng mga bagong magmamaneho ng sasakyan dahil kailangan pa nilang dumaan sa 15 oras na theoretical driving seminar at walong oras na practical driving lesson para mabigyan ng certificate na dadalhin sa LTO upang makakuha ng student permit for driving.
Sinabi pa ni Guadiz na masyadong mahal ang gastos sa pagkuha ng driver’s license sa kasalukuyang proseso dahil 3 libong piso ang bayad para sa theoretical driving seminar at 5 libong piso para sa practical driving lesson.
Niliwanag ni Guadiz na oobligahin ng LTO ang mga driving school na magkaroon ng uniform rate dahil maaaring maibaba sa 500 pesos lamang ang theoretical driving seminar mula sa dating 3 libong piso at 800 pesos naman ang practical driving lesson mula sa dating 5 libong piso.
Ang ikatlong problema ay ang bocklog sa mga plate number sa mga motorsiklo kung saan aabot sa 11 milyong plaka pa ang hindi nagagawa ng LTO dahil iisa lamang ang robotic machine na gumagawa subalit sa mga apat na gulong na sasakyan ay upadated na.
Vic Somintac