US kinondena ang pagpapakawala ng Tsina ng ballistic missiles patungo sa Taiwan
Tinawag na overreaction ng US ang paglulunsad ng Tsina ng malawakang military drills sa paligid ng Taiwan matapos ang pagbisita ni U.S. House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan noong Martes.
Kinondena rin ng Estados Unidos ang pagpapakawala ng China ng 11 ballistic missiles papuntang Taiwan.
Inaasahan na ng US ang mga nasabing aksyon ng China at magpapatuloy ito hanggang sa mga susunod na araw.
Ayon kay National Security Council Coordinator for Strategic Communication John Kirby, iresponsable at taliwas ito sa matagal na hangad na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at sa rehiyon.
Tiniyak ni Kirby na handa ang Amerika sa anumang nais gawin ng Tsina.
Nilinaw din ng opisyal na ayaw ng US ng krisis.
Pero hindi aniya sila mahahadlangan sa standard air at maritime transits ng Amerika sa Taiwan Strait alinsunod sa international laws.
Muling binigyang-diin ng NSC official na walang nagbago sa One-China Policy ng Estados Unidos.
Ayon pa kay Kirby, hindi nila sinusuportahan ang Taiwan independence na kontra naman sa naging pahayag ni Pelosi.
Umaasa ang US government na mareresolba sa mapayapang pamamaraan ang tensyon sa cross-Strait.
Patuloy din ang komunikasyon ng Amerika sa Beijing.
Samantala, iginiit ng Chinese Foreign Ministry na napilitan ang Tsina na umakto bilang self-defense sa anila’y malisyosong provocation ng US.
Ipinunto ng Foreign Ministry ng Tsina na ginawa nila ang lahat na diplomatikong pamamaraan para maiwasan ang krisis.
Sinabi pa ng China na alinsunod sa international laws at domestic laws at dumaan sa maingat at seryosong konsiderasyon ang defensive countermeasures nito.
Moira Encina