Special powers para kay PBBM para agapan ang paglobo ng inflation rate sa bansa, iginigiit sa Kamara
Muling inihirit ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pagbibigay ng Kongreso ng special powers kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para tugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.
Kasunod ito ng naitalang 6.4 percent inflation rate para sa buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Salceda na patuloy din ang pagtaas ng food inflation kung saan mula sa 4.9 percent noong Mayo ay pumalo na ito sa 6.9 percent noong July.
Ibinabala din ni Salceda na posibleng mag-peak ang monthly inflation ng hanggang 8.5 percent.
Umapela si Salceda sa house leadership at mga kapwa mambabatas na talakayain na ang House Bill 2227 o Bayan Bangon Muli Bill na magbibigay ng special powers sa Pangulo para makontrol ang presyo ng mga bilihin.
Batay sa panukalang batas ni Salceda ilan sa special powers na ibibigay sa Pangulo ay ang mga sumusunod: anti-hoarding powers,pagbibigay insentibo sa produksyon ng mga essential na produkto, kapangyarihan para makapagbigay ng loans at guarantees sa mga suppliers ng produkto, transport emergency powers, pag-mobilize sa uniformed personnel para mapabilis ang mga infrastructure projects at bumuo ng inter-agency working groups o task forces.
Vic Somintac