DFA: Pilipinas bukas sa pagtalakay sa US ukol sa isyu ng joint patrol sa South China Sea
Patuloy daw na pag-aaralan ng Pilipinas at US ang isyu sa joint patrol ng dalawang bansa sa South China Sea.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na sa pananaw ng DFA ay maaaring maganap ang joint patrols sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Paliwanag pa ng kalihim na ang pagpapatrolya sa South China Sea ng militar ng dalawang bansa ay nasa konteksto rin ng Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB).
Ang nasabing kooperasyon aniya ay patuloy na tatalakayin bilaterally lalo na’t maraming platform kung saan puwede ito gawin ng US at Pilipinas.
Dagdag pa ni Secretary Manalo, ang defense at security cooperation ng US at Pilipinas ay nagpapatuloy na haligi ng bilateral relations ng dalawang bansa at nakabatay sa mga umiiral na kasunduan.
Sa kaniyang pagbisita sa bansa, tiniyak ni U.S. Secretary of State Antony Blinken ang commitment ng Amerika sa MDT at ang paninindigan nito sa mga kaalyado nito lalo na sa armadong pag-atake sa Pilipinas sa harap ng tensyon sa Taiwan Strait.
Ipinunto rin ni Blinken ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa Taiwan Strait hindi lamang sa Taiwan kundi maging sa Pilipinas at iba pang bansa.
Aniya, isang kritikal na waterway ang Taiwan Strait gaya ng South China Sea kaya anuman ang mangyari doon ay makaaapekto sa rehiyon at buong mundo.
Moira Encina