Dalawa nasagip, isa pa pinaghahanap sa insidente ng pagkalunod sa isang beach sa Bataan
Patuloy ang search & rescue operation para sa isa sa tatlong biktima ng pagkalunod sa isang beach resort sa Barangay Nagbalayong sa Morong, Bataan. Dalawa naman sa mga ito ang nasagip ng isang banana boat operator na si Enar Mendoza.
Ayon sa Morong PNP Maritime Monitoring team, nakilala ang dalawang nasagip na sina Judilyn Mabag at Jeff Noblaza habang ang nawawala naman ay si Rodel Costuna, pawang mga residente ng Barangay Caingin Uno Malabon
Sa ulat na nakarating kay RMU3 Pol. Col. Fernando Cunanan, Jr., ang masayang pagdiriwang ng church anniversary ng grupo ng mga biktima ay nauwi sa trahedya, makaraang salpukin sila ng malalaking alon at tangayin sa malalim na bahagi ng dagat.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Morong Maritime Monitoring team, Morong MPS, Phil. Coast Guard Morong Sub-station at Morong MDRRMO, para subukang hanapin ang nawawala.
Ang tatlo ay ika-walo na sa mga naging biktima ng pagkalunod sa mga beach resort sa bayan ng Morong simula noong Mayo 2022.
Ulat ni Larry Biscocho