Sunud-sunod na singil sa kuryente sa Mindanao at iba pang mga lalawigan, bubusisiin ng Senado
Pinaiimbestigahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang sunod- sunod na pagtaas ng singil sa kuryente sa Mindanao at iba pang lalawigan sa bansa.
Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Zubiri na nakatanggap siya ng reklamo mula sa Cagayan de Oro Chamber of Commerce at mga micro small and medium enterprises o MSMEs hinggil sa biglang pagsipa ng energy rate.
Katunayan mula sa dating 10.90 na singil sa kuryente kada kilowatt-hour noong Enero, pumalo na ito ngayon sa 14.90 kada kilowatt hour o katumbas ng halos 40 percent.
Katuwiran ng mga independent power producer, tumaas ang generation charge dahil tumaas ang krudo sa pandaigdigang merkado na ginagamit sa pagpo-produce ng kuryente.
Bukod pa sa tumaas ang dolyar kontra piso wala raw silang magagawa kundi ipasa ito sa kanilang mga consumer.
Kuwestiyon ng Senador, kung dumaan ba ito sa approval ng Energy Regulatory Commission at kung nagkaroon ba ng public hearing para magtaas ng singil.
Giit ni Zubiri, masyado ng nalugmok ang buhay ng mga mahihirap at maliliit na negosyante pero sinasamantala ng mga Independent Power Producer.
Hindi aniya makatuwiran na magpataw ng dagdag singil dahil matindi na ang epekto ng COVID-19, mataas ang presyo ng gasolina, nagkaroon na ng domino effect sa presyo ng mga bilihin at inflation.
Meanne Corvera