Kasong qualified theft laban sa IT provider ng LTO, ibinasura ng DOJ
Binaliktad ng Department of Justice (DOJ) ang naunang desisyon ng Quezon City Prosecutor’s Office na sampahan ng kasong qualified theft ang mga opisyal ng information technology (IT) provider ng Land Transportation Office (LTO).
Sa resolusyon ng DOJ na pirmado ni Justice Secretary Crispin Remulla, ibinasura ang kasong kriminal laban sa mga opisyal ng DERMALOG dahil sa kawalan ng probable cause.
Una rito ay naghain ng petition for review laban sa desisyon ng piskalya ang nasabing IT provider sa DOJ.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong estafa na inihain ng Verzontal Builders Inc. laban sa Germany-based company na DERMALOG Identifications System.
Kaugnay ang reklamo sa P3.1 bilyong LTO IT project noong 2018 na iginawad sa DERMALOG Joint Venture na kinabibilangan ng DERMALOG, Holy Family Printing Corporation, Verzontal Builders, at MicroGenesis.
Inakusahan ng Verzontal ang DERMALOG na iligal na kinuha ang share nito sa joint venture agreement.
Ayon sa ruling ng DOJ, contractual in nature ang hindi pagkakaunawaan ng DERMALOG at Verzontal kaya ito ay dapat na resolbahin sa pamamagitan ng civil action at hindi sa kriminal na kaso.
Kaugnay nito, inatasan ng DOJ ang piskalya sa QC na iurong sa korte ang kasong qualified theft laban sa mga respondents na sina Gunther Mull, Randolf Sitz, Michael Shutt, at Lourilyn Ocampo.
Moira Encina