Railway project na hindi natuloy, kinuwestiyon sa Senado
Kinukuwestiyon ng mga Senador kung bakit nakipag-partner ang Pilipinas sa China para sa paggawa ng railway system sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Sa China Eximbank , nangutang ang Pilipinas para sa tatlong railway project na hindi natuloy.
Kabilang na rito ang Subic Clark Railway Project, Philippine National Railway Bicol Project at ang First Phase ng Mindanao Railway Project.
Ayon kay Senador Grace Poe, napakalaki ng interes na ipinataw ng China na umabot sa 3% taliwas sa .01% ng Japan.
Bukod sa mas mababang interes, mas maaasahan aniya ang teknolohiya ng Japan tulad ng ginawang pagkumpuni ng Sumitomo sa palpak na tren ng MRT 3 na gawa sa China.
Sinabi rin ni Senador JV Ejercito, dapat ang Japan na ang magtuloy ng mga proyekto dahil mas reliable ito pagdating sa railway system.
Batay rin aniya sa report ng Department of Transportation (DOTr) sa $9-Biliion na halaga ng proyekto na ipinangako ng China sa Pilipinas, $600-Million lamang ang naisapinal.
Naghain na ng resolusyon si Ejercito para magsagawa ng audit sa lahat ng railway projects ng nakaraang administrasyon at humanap ng mga posibleng sources para umusad na ang mga proyekto.
Giit ng Senador, railway system at mass transport ang solusyon para mabawasan ang matinding trapik at mabilis din na umusad ang ekonomiya ng bansa.
Depensa ni Senador Mark Villar, na dating kalihim ng Depatment of Public Works and Highways (DPWH), naging maigting naman ang pagsisikap Ng Duterte Administration na maayos ang mass transport system kasama na ang railway projects.
Naghanap rin aniya ng mas maraming sources ang gobyerno na maaring magpondo para pabilisin sana ang mga proyekto.
Meanne Corvera