DFA plano na magtayo ng karagdagang off-site passport services at consular offices
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na inaayos na ang kanilang sistema at naglalatag ng pamamaraan para mapadali at mapasimple sa mga Pilipino ang pagkuha ng pasaporte sa bansa.
Isa na rito ang pagtatayo ng mas maraming temporary off-site passport services at consular offices sa mga malalayong lugar upang matugunan din ang mga isyu sa online passport appointments.
Ayon kay DFA Assistant Secretary for Consular Affairs Henry Bensurto Jr., hiniling na nila sa Kongreso na mapaglaanan ng pondo ang karagdagang off-site passport services.
Sa ngayon ay nasa 20 ang off-site passport services at 36 consular offices ng DFA sa Pilipinas habang may 85 foreign service posts ito sa ibang bansa.
Inihayag ni Bensurto na nakatakdang buksan sa susunod na linggo ang consular office sa Kidapawan City, North Cotabato.
Plano rin ang DFA na magbukas ng consular office sa Bohol at iba pang lugar.
Nagdagdag na rin ang DFA ng mas maraming slots hanggang sa Setyembre para sa passport appointments bilang short term na hakbangin nito sa problema sa appointments.
Ayon sa opisyal, umaabot sa 20,000 pasaporte ang iniisyu ng DFA sa buong mundo kada araw.
Isinasaayos na rin aniya ng DFA ang glitch sa sistema nito ukol sa pagtatama ng error sa personal na impormasyon ng mga aplikante.
Sa kasalukuyang sistema ay hindi maaaring itama on-site ng encoders ang mga mali sa forms na sinagutan ng aplikante kaya kailangan nitong umulit na magpa-appoint at magbayad.
Posible aniyang sa una o ikalawang linggo ng Setyembre ay maisaayos na ito ng DFA.
Moira Encina