SC pinagtibay ang karapatan ng FILSCAP sa copyrighted works
Pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon ng
Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP) laban sa desisyon ng Court of Appeals at Baguio City Regional Trial Court na nagbabasura sa karapatan nito na kumolekta ng license fees o royalties sa copyrighted works ng mga miyembro nito.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, inatasan nito ang respondent na Anrey, Inc. na bayaran ang FILSCAP ng ₱10,000.00 bilang temperate damages para sa unlicensed public performance ng copyrighted songs ng FILSCAP repertoire.
Pinababayaran din ng SC sa respondent ang ₱50,000.00 na attorney’s fees kasama ang 12% interest rate per annum mula September 8, 2009 hanggang June 30, 2013, at pagkatapos ay 6% per annum mula July 1, 2013 hanggang sa finality ng ruling ng Korte Suprema.
Ipinag-utos din ng SC na bigyan ng kopya ng desisyon nito ang Intellectual Property Office of the Philippines para sa kanilang gabay, at ang Senado at Kamara bilang reperensya para sa posibleng statutory amendments sa
Intellectual Property Code.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagpapatugtog ng branches ng isang restaurant sa Baguio City ng copyrighted music na pagma-may-ari ng FILSCAP sa pagitan ng Hulyo at Setyembre 2008.
Naghain ng kasong copyright infringement ang FILSCAP sa korte sa Baguio City pero ito ay ibinasura.
Hindi rin nakakuha ng paborableng desisyon ang grupo sa CA kaya ito ay tuluyang iniakyat na sa SC.
Moira Encina