Isyu sa naudlot na 300,000 MT pag-aangkat ng asukal ng SRA, iniimbestigahan na ng Kamara
Inumpisahan nang imbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naudlot na pag-aangkat ng 300,000 metric tons ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Ito’y matapos isagawa ang zoom meeting investigation na ipinatawag ng House Committe on Good Goverment and Public Order na pinamumunuan ni Congresswoman Florida Robes at House Committee on Agriculture and Foods na pinamumunuan ni Congressman Wilfredo Mark Enverga.
Dahil sa problema sa signal ng internet sa zoom meeting inoobliga ng dalawang komite ng kamara na sa susunod na investigation na itinakda sa Huwebes, August 18 ay personal na dumalo ang mga opisyal ng SRA at dalhin ang kanilang mga dokumento sa pangunguna nina resigned SRA Chairman Undersecretary Leocadio Sebastian at Engineer Hermenigildo Serafica Administrator at Vice Chairman ng SRA.
Sa opening statement ni Sebastian ipinagtanggol nito ang kanyang desisyon sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 na nagbibigay pahintulot sa SRA na umangkat ang bansa ng 300,000 metric tons ng asukal upang maagapan ang kakulangan sa supply at mapababa din ang presyo sa merkado.
Magugunitang ang Sugar Order Number 4 ni Sebastian ay ibinasura mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayo ding Secretary ng Department of Agriculture.
Ang kontrobersiya sa sugar importation na pinahintulutan ni Sebastian nang walang go signal mula kay Pangulong Marcos Jr. ay iniimbestigahan na rin ng Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Vic Rodriguez.
Mariing tinututulan ng mga local sugar producers ang pag-aangkat ng asukal dahil ito ang papatay sa kanilang hanay.
Vic Somintac