Blue Ribbon Committee, pinaiimbestigahan ang LTO kaugnay sa kuwestiyonableng transaksyon sa Dermalog
Pinaiimbestigahan na rin sa Senate Blue Ribbon Committee ang pagbabayad ng Land Transportation Office (LTO) sa information technology provider nito na una nang na-red flag ng Commission on Audit.
Naghain si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel ng resolusyon at hiniling na busisiin ang kuwestiyonableng transaksyon ng LTO sa Dermalog identification system.
Sa 2021 report ng COA, sinabi nitong kinuha ng LTO ang serbisyo ng Dermalog at nagbayad ng 3.19 billion para sa road infrastructure project o drivers license at motor vehicle inspection at registration system.
Pero lumitaw na palpak ang serbisyo nito tulad ng glitches sa computer system at mga hindi nababasang mga pekeng lisensya dahilan kaya naging mabagal ang serbisyo ng LTO.
Katunayan sa halip na dalawang oras lang ang pagkuha ng lisensya, tumagal ito ng anim na araw.
Ayon kay Pimentel, bukod sa nagdulot ng perwisyo sa mga motorista, may paglabag sa procurement at auditing rules ng gobyerno.
Meanne Corvera