IATF na magsisilbing caretaker sa mga nababangkaroteng private school,ipinanukala sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo ng isang Inter-Agency Task Force na siyang magsisilbing caretaker ng mga pribadong paaralan na naghihingalo bunsod ng epekto ng Pandemya ng COVID-19.
Ito ang iminungkahi ni Ang Probinsiyano Partylist Representative Alfred Delos Santos sa hearing ng House Committe on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Congressman Roman Romulo.
Inihalimbawa ni Delos Santos ang nangyari sa Colegio de San Lorenzo sa Quezon City na nagsara kamakailan dahil hindi na kayang tustusan ng school management ang kanilang operasyon.
Ayon kay delos Santos bagamat inaasahan na ang malaking epekto ng COVID-19 Pandemic sa ekonomiya ng bansa kasama ang mga paaralan, hindi maaaring basta na lamang pabayaan ng gobyerno na magsara ang mga ito dahil ang edukasyon ng mga mag-aaral ang maaapektuhan.
Inihayag ni delos Santos habang dumadaan sa corporate receivership o rehabilitasyon ang naapektuhang paaralan aalalayan ng naturang caretaker task force ang mga eskuwelahan hanggang sa makabangon.
Inihayag ng mambabatas maaaring pangunahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) katuwang ang Department of Education, Commission on Higher Education at Department of Labor and Employment ang bubuuing caretaker ng IATF.
Vic Somintac