SSS, nag- ikot sa delinquent employers sa Maynila
Walong establisyimento na itinuturing nang delingkuwente ng Social Security System (SSS) dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa Maynila.
Ito ay sa ilalim ng kanilang programa na RACE o Run After Contribution Evaders.
Kabilang sa pinuntahan ng SSS ang 2 karinderya at 1 computer repair shop sa Ermita dahil sa hindi pa umano nagpaparehistro sa SSS.
Pero ang isang karinderya, nagcomply na raw sa registration habang ang isa ay nagparehistro na pero may mali sa pangalan kaya inaayos na nila ito.
Ang computer repair shop naman na ito na may isang empleyado lang, hindi rin pinaligtas ng SSS.
Paliwanag ni Lazaro Canlas, Branch Head ng SSS Manila, kahit isa lang ang empleyado kailangan pa rin itong ireport sa SSS.
May isa ring clinic sa Malate ang pinuntahan ng SSS na batay sa kanilang rekord ay halos 2 dekada nang may problema sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Ang nasabing klinika, may utang na 2.8 milyong piso, at ang penalty sa kanya ay umaabot sa 2.4 milyong piso.
Binigyan na ito ng demand letter ng SSS at kung patuloy na tatangging sumunod, pwede raw silang makasuhan sa ilalim ng SSS Law.
Nabatid na sa 6,800 employers na nakarehistro sa SSS Manila, 2,900 ang nasa kategorya ng delinquent employer.
Ang mga ito ay yaong may 3 buwan o higit pa na hindi binabayaran ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Madelyn Villar-Moratillo