Gabay sa pagboto ng mga PDL, inilabas na ng Comelec
Welcome para sa Commission on Elections ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa mga person deprived of liberty na makaboto na rin sa local elections.
Dati kasi, ang mga PDL ay nakakaboto sa National elections lamang.
Kabilang sa kategorya ng PDL ayon sa Comelec ay mga nakakulong na at naghihintay pa ng hatol ng korte, mga nasentensiyahan ng wala pang isang taong pagkabilanggo, nakaapila pa ang kaso o nahatulan dahil sa krimeng may kaugnayan sa rebelyon, sedition, at paglabag sa firearms law.
Ayon kay Atty.John Rex Laudiangco, Spokesperson ng Comelec, may ilang paraan para sila makaboto.
Kung may special voting centers sa kanilang detention facility o kung ang detainee ay resident-registered voter sa lugar kung saan siya nakakulong.
Pero kung ang detainee ay registered voter ng ibang lugar, pwede siyang i-escort papunta sa lugar kung saan siya boboto.
Pero dapat may court order na pinapayagan siyang makalabas para bumoto at hindi ito kalayuan kung saan siya nakakulong.
Madelyn Villar – Moratillo