6 na opisyal ng BOC sa Subic, balik trabaho na
Balik na sa trabaho ang 6 na opisyal ng Bureau of Customs Port of Subic na unang nasibak sa pwesto dahil sa mga nasabat na asukal galing Thailand na pinaghinalaang smuggled.
Ito ay sina Port of Subic District Collector Maritess Martin, Maita Acevedo, deputy collector for assessment; Giovanni Ferdinand Leynes, deputy collector for operations; Belinda Lim, hepe ng assessment division; Vincent Mark Malasmas, commander ng Enforcement Security Service at Justice Roman Silvoza Geli, supervisor ng Customs Intelligence and Investigation Service .
Sa isang pahayag sinabi ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na batay sa kanilang ginawang imbestigasyon, nakumpirma na walang naging negligence sa panig ng mga nasabing personnel ng Port of Subic.
Taliwas sa alegasyon, napatunayan din aniya na hindi recycled ang import permit ng shipment ng asukal at ang kanilang mga dokumento ay lehitimo.
Matatandaang unang hinarang ng BOC ang barkong MV Bangpakaew na may kargang 140 libong sako ng refined sugar mula sa Thailand dahil sa report na recycled umano ang mga dokumento nito.
Ang shipment ay naka consign sa Oro Agri trade Inc.
Madelyn Villar – Moratillo