Kung nagbabalak ka ng magpakasal….

Kapitbahay, kabilang ba kayo doon sa mga nagbabalak na sanang mag-asawa, kaya lang, marami pang dapat na asikasuhin?

Tipong tatlong taon ka ng nagbabalak o nagpaplano, hindi pa rin matuloy-tuloy?

Sige, ibibida ko sa inyo ang napag-usapan namin sa program ni Ms. Camille Fornela ng Budgetarian Bride.

Ang sabi niya, marami ang nagtatanong sa kaniya kung saan ba nagsisimula ang pagpaplano sa kasal?

Tatlong bagay aniya, ang una, kelan ang kasal o wedding date.

Meron na bang eksaktong petsa ng kasal, para naman makausad sa pagpaplano?

Photo Courtesy of Camille Fornela


Ikalawa, wedding budget.

Kailangan may budget!

At pangatlo, ang pinakamagastos sa kasal, ang guest list.

Ilan ang bisita? Siyempre, sabi ni Ms. Camille, bawat bisita pakakainin.

Usually 500-1,000 pesos ang bayad bawat isa.

Samantala, paano na lang kung ang problema kapitbahay ay napakarami mong kakilala at mukhang lahat ay umaasa na invited sila sa kasal mo?

Ang sagot ni Ms. Camille, iwasan ang pagpopost sa social media ng lahat ng wedding details mo, lalo na sa Facebook.

Totoo mga abay na excited kang ipaalam sa mundo na ikakasal ka na, kaya lang, pagkatapos mong magpost, the usual reaction ng mga nakababasa lalo na ng friends at kamag-anak mo, invited ako dapat sa kasal mo!

Dagdag pa ni Ms. Camille, meron pang magpiprisinta na kunin mo silang ninong or ninang, o abay ang kanilang anak.

At dahil sa hindi mo naman sila matanggihan, kahit 100 lang dapat ang bisita mo ay naging 200 na.

Ito ay dahil sa announcement mo sa social media.

Puwede ka namang magpost kaya lang dapat may final list na daw, nandun na ang listahan ng mga abay, ninong at ninang.

Para kung may nagbibigay ng unsolicited advise or opinion, puwede kang tumanggi.

Teka, paano naman iyung parents mo o ng iyong mapapangasawa, paano ang mga inimbitahan nila?

Eto ang payo ni Ms. Camille, kausapin sila bago pa sila makapag-imbita.

Kausapin sila nang masinsinan kung gaano lamang ang budget ninyo, kaya limitado ang magiging panauhin.

Nabanggit din ni Ms. Camille na marami raw nababaon sa utang dahil ang daming tinatanggap na request.

Kaya dapat talaga na matuto ka kung kelan magsasabi ng ‘no’ , and set your boundaries.

At panghuli, ang sabi ni Ms. Camille, ang pinakamahirap daw kausapin na supplier ay iyung mga kaibigan, kamag-anak na nagpiprisinta na sila ang mag-aasikaso sa kasal.


Bakit? Kasi, kapag hindi maganda ang output nila, nahihiya kang sisihin o sabihan sila nang hindi maganda.

Ang mangyayari, si bride at groom ang nag-aadjust.

Kaya kung ikakasal, kumuha ng professional planner para kapag nag-uusap nasa professional level din.

Kapag may hindi gusto, o may nais na sabihin, masasabi mo dahil nagbayad ka!

Kaya nga, kapitbahay, kelan ang kasal mo?

Please follow and like us: