Higit dalawang ektaryang lupain na pagtatayuin ng 9-palapag na building ng COMELEC, ininspeksyon
ninspeksyon ng mga opisyal ng Commission on Elections ang kanilang mahigit 2 ektaryang lupain sa Macapagal Boulevard sa Pasay City kung saan target maipatayo ang kanilang bagong gusali.
Ang problema na nga lang ay kailangan munang maaprubahan ng Kongreso ang budget.
Noon, 8.2 hanggang 8.3 bilyong piso ang estimate na halaga ng konstruksyon nito, pero dahil sa inflation Nasa 9.3 bilyong piso na ito.
Siyam na palapag na gusali ang target maipatayo ng Comelec.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, malaki ang matitipid kung magkakaroon sila ng sariling gusali kumpara sa kasalukuyang nangungupahan sila.
Ang taunang renta kasi aniya ng lahat ng kanilang opisina at warehouses ay umaabot ng 159 milyong piso kada taon.
Bukod pa ito sa iba pang expenses ng poll body kapag panahon ng eleksyon dahil ang bilangan, pagsasagawa ng random manual audit at proklamasyon ng nanalong national candidates ay nagrerenta rin sila.
Sa planong Comelec building, magtatayo rin aniya ng auditorium para sa mga ganitong aktibidad.
May dormitoryo rin kung saan puwedeng tumigil pansamantala ang kanilang field officers na luluwas sa main office para hindi na sila magbayad ng renta.
Matatandaang bago matapos ang Hulyo ay nagkaroon ng sunog sa isang opisina ng Comelec main office habang noong 2007 nasunog rin ang opisina ng poll body.
Madelyn Villar – Moratillo