Mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa isang pharma exec, kinasuhan sa DOJ
Sinampahan na ng mga reklamo sa DOJ ang 11 indibiduwal na idinadawit sa pagdukot at pagpaslang kay Iraseth Pharma CEO Eduardo Tolosa Jr.
Ang mga reklamo ay inihain sa DOJ ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) at ng pamilya ng biktima kasama ang abogado ng mga ito na si Atty. Harry Roque.
Sinampahan ang mga suspek ng kidnapping for ransom, murder, at arson.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Carlo Cadampog, Ceasar Cadampog, David Gundran, John Benedict Dumalanta, Melvin Leonor Andes, Melchor Andes, Victor Ragodon Ferrer, Adrian Joseph Mendez, Richmeld Ignilan, isang “Tomtom,” at isang hindi pa tukoy na lalaki.
Si Tolosa ay iniulat na nawala at huling nakita sa Taguig City noong Hulyo 19.
Sinabi ni Roque na natukoy ang 11 suspek dahil sa pag-amin ng ilan sa mga ito na sila mismo ang naglibing at sumunog sa bangkay ni Tolosa.
Bagamat hindi pa aniya na narerekober ang bangkay ng pharmaceutical executive ay kinumpirma ng mga nasabing suspek at testigo na patay na ito.
Ayon kay Roque, posibleng may kaugnayan sa negosyo ang motibo sa krimen.
Isiniwalat pa ni Roque na dapat ay aarestuhin na ng PNP-AKG ang suspek na si Carlo Cadampog sa Dinagat Islands pero may mga pumigil.
Sa imbestigasyon ng mga pulis ay nakatanggap ang isang opisyal ng Isareth noong Agosto 26 ng text message na humihingi P100 million kapalit ng kalayaan ni Tolosa.
Sinunog din daw ng mga suspek ang puting SUV na sinasakyan ng biktima sa Pampanga.
Natukoy ng mga otoridad ang sasakyan ng biktima sa kuha ng mga CCTV sa South Luzon Expressway at Skyway, at Radio-Rrequency Identification (RFID).
Moira Encina