COMELEC Chairman George Garcia, lusot na sa Commission on Appointments
Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si COMELEC Chairman George Garcia. .
Pero bago naaprubahan ang kaniyang nominasyon, ay matapang na sinagot ni García ang mga kuwestiyon hinggil sa kinakaharap na isyu ng COMELEC.
Kabilang na rito ang mga depektibong vote counting machine (VCM) sa eleksyon nitong Mayo.
Kung siya raw ang masusunod dapat umupa na lang ng VCM para matiyak na bago at hindi papalpak.
Tiniyak nya sa mga mambabatas na sa ilalim ng kaniyang liderato ay magiging malinis at patas ang halalan sa bansa.
Natanong din ito sa isyu ng double registrants at umano’y patay na mga kandidato na umano’y nakakaboto pa rin tuwing eleksyon.
Sinabi ni Garcia, may sistema na silang ginagawa hinggil dito pero malaking bagay aniya kung regular na magsusumite ang mga municipal registry ng kanilang datos sa mga namatay na para mai-update din sa sistema ng COMELEC.
Kinumpirma naman ni Garcia, na nakatakda na nilang ipa-imprenta sa susunod na linggo ang may 92 milyong mga balota para sa nakatakdang baranggay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre.
Apila niya, magdesisyon na ang mga mambabatas sa mga panukala kung ipagpapaliban o itutuloy ang halalan,pero kung hindi raw matutuloy ang eleksyon ay magagamit pa naman ito sa eleksyon na itatakda ng Kongreso.
Umani naman ng papuri si Garcia mula sa mga miyembro ng CA dahil sa naging papel nito sa anila’y pinaka mapayapa at mabilis na eleksyon nitong Mayo.
Ang termino ni Garcia ay matatapos sa February 2, 2029.
Meanne Corvera