Phone numbers ng mga nakatanggap ng text scam posibleng nakuha sa mga messaging at payments apps
Iniimbestigahan na ng National Privacy Commission ang patuloy na pagkalat ng text scam.
Sinabi ito ng NPC sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa mga panukalang gawing mandatory ang prepaid SIM card registration.
Ayon sa NPC batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat posibleng nakuha ang numero ng mga napadalhan ng text messages sa pamamagitan ng harvesting sa mga payment at messaging apps.
Tumanggi muna ang NPC na magdetalye hinggil dito dahil maaapektuhan raw ang ongoing investigation.
Gayunman, pinalawak na ang kanilang database para sa pagtanggap ng mga reklamo ng mga mobile user.
Bukas naman raw ang kanilang tanggapan para sa mga reklamo at hinimok ang publiko na mag screen shot ng ganitong mensahe saka ipadala sa NPC.
Samantala pabor naman ang telco companies sa mga panukalang iparehistro ang SIM card.
Pero kung irerehistro dapat gawin ito online dahil kung ibibigay ang mga detalye sa mga tindahan lang ng SIM card wala silang kapasidad na alamin kung lehitimo ang mga identification na ipiprisinta ng sinumang mobile user.
Meanne Corvera