DOJ at OSG umaasa na magiging patas ang ICC Pre-Trial Chamber ukol sa isyu ng drug war probe
Aminado ang isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na magkakaroon ng problema kung ipipilit ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa mga kaso ng pagpaslang kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga ng bansa.
Ito ay kasunod ng pagsusumite ng pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Office the Solicitor General (OSG) ng komento sa gusto ni ICC Prosecutor Kamir Khan na buksan muli ang imbestigasyon sa war on drugs.
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na kung itutuloy ni Khan ang nais nito ay ano na lang ang magiging otoridad nito at ang ano ang mga enforcement measure para maisakatuparan ang imbestigasyon.
Pero umaasa pa rin si Vasquez na masasapatan ang ICC Pre-Trial Chamber sa paliwanag na isinumite ng OSG.
Kalakip ng komento ang mga makakapal aniyang dokumento ukol sa mga isinagawa at isinasagawang imbestigasyon at pag- usig sa mga sangkot sa drug war killings.
Tiwala rin si Solicitor General Menardo Guevarra na magiging patas ang PTC sa isyu.
Naniniwala si Guevarra na iuutos ng PTC sa ICC prosecutor na ihinto ang planong imbestigasyon kapag nakita nitong tunay na gumagalaw ang domestic proceedings sa Pilipinas.
Handa naman aniyang iapela ng OSG sa appeals chamber ng ICC ang isyu sakaling magpasya ang PTC na iutos ang pagpapatuloy sa war on drugs probe.
Ayon pa kay Guevarra, kahit pa ituloy ng ICC prosecutor ang pagsisiyasat nito sa isyu ay wala itong maasahang kooperasyon sa pamahalaan.
Umapela naman ang DOJ sa ICC na kilalanin ang justice system ng bansa lalo na’t soberenya ang nakasalalay dito at hindi na miyembro ang Pilipinas sa ICC.
Moira Encina