Panukalang batas na magbibigay proteksiyon sa freelance workers, isinusulong sa Kamara
Inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay proteksiyon sa freelance workers.
Ito ang House Bill 3738 na ini-akda nina Davao City Congressman Paolo Duterte, Benguet Congressman Eric Yap, ACT CIS Partylist Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano.
Ayon sa apat na kongresista, nasa 1.5 hanggang 2 milyon na ang bilang ng mga freelance worker dahil sa pag-usbong ng digital economy kaya kailangang mapangalagaan ang kanilang kapakanan upang hindi maabuso.
Nakasaad sa panukalang batas na kailangang mayrooong written contract kapag nag-hire ng mga freelance worker, mayroong hazard pay at night differential.
Hinihiling din sa panukalang batas na kailangang mag-rehistro sa Bureau of Internal Revenue o BIR ang mga freelance worker para sa kaukulang pagbabayad ng buwis.
Kapag naging ganap na batas ang ukol sa proteksiyon ng mga freelance worker, lahat ng mga reklamo ng paglabag sa kanilang kontrata ng mga employer ay maaaring idulog sa Department of Labor and Employment o DOLE.
Vic Somintac