Makati, kaisa-isang LGU sa NCR na kuwalipikadong tumanggap ng performance bonus mula sa National government
Masayang inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay, na ang Lungsod ng Makati ang kaisa-isang local government unit (LGU) sa National Capital Region (NCR) ang kuwalipikadong tumanggap ngayong taon ng performance-based bonus (PBB) mula sa National government.
Ibig sabihin nito, makatatanggap ng karagdagang bonus ang mga empleyado ng Makati City Hall kapalit ng kanilang naging dedikasyon sa paglilingkod bilang mga civil servant.
Ayon pa kay Mayora Abby, karapat-dapat na tumanggap ng performance-based bonus ang mga masisipag at tapat na lingkod-bayan ng Makati, na laging inuuna ang kapakanan ng mga mamamayan na kanilang kinikilala bilang Proud Makatizens.
Inilabas kamakailan ng Inter-Agency Task Force on Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information, and Reporting Systems ang resulta ng isinagawang performance evaluation sa mga LGU sa buong bansa.
May kabuuang bilang na 366 LGUs sa buong bansa ang kuwalipikadong tumanggap ng PBB para sa fiscal year 2021.
Ang PBB ay isang top-up bonus na taunang ipinagkakaloob sa mga empleyado ng mga kuwalipikadong departamento at ahensiya ng national government at mga LGU sa bansa, batay sa kanilang kontribusyon sa pagkamit ng mga target at commitment ng LGU para sa fiscal year.
Upang maging kuwalipikado, kailangang magkaroon ang LGU ng kabuuang score na hindi bababa sa 70 points, at makakuha ng rating na hindi bababa sa 4 sa tatlong criteria batay sa PBB scoring system.