OVP pinag-aaralan na kasuhan ang mga nagpakalat ng impormasyon na ginagamit umano ni VP Sara ang presidential chopper araw-araw
Maaaring maharap sa reklamong kriminal ang mga nagpakalat ng impormasyon na sinasabing ginagamit ni Vice President Sara Duterte araw-araw ng presidential chopper sa pag-uwi sa Davao City at pagtungo sa Metro Manila.
Ayon sa tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) na si Atty. Reynald Munsayac, kung hahayaan nila na kumalat ang mga nasabing pekeng impormasyon sa social media ay maraming publiko ang mapapaniwala at maloloko.
Aniya, pinag-aaralan na ng OVP ang posibilidad ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nagpahayag ng naturang fake news.
Iginiit ni Munsayac na hindi totoo ang mga ulat na ginagamit ng bise presidente ang government chopper para sa personal na biyahe.
Muli ding nilinaw ni Munsayac na naka-base na sa Metro Manila si VP Sara at ang pamilya nito at ang mga anak nito ay nag-aaral din sa Maynila.
Lumabas ang mga alegasyon sa internet matapos na mag-post si VP Sara ng birthday greetings kay PBBM kung saan pinasalamatan din nito ang pangulo sa pagpapagamit sa kaniya ng 250th Presidential Airlift Wing.
Naniniwala ang opisyal na binigyan lang ng malisya ng mga taong gustong manira sa pangalawang-pangulo ang post.
Imposible rin aniya na ang isang helicopter ay makabiyahe mula Maynila hanggang Davao City.
Moira Encina