Manufacturers at distributor ng mga cellphone inatasan na turuan ang kanilang buyers kung paano umiwas sa text scams
Sa gitna ng talamak na text scams, inatasan ng National Telecommunications Commission ang mga manufacturer, distributor at dealer ng mobile phones na turuan ang kanilang users kung paano makakaiwas sa text scams.
Sa isang memorandum na pirmado ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, partikular na tinukoy na dapat ituro ng mga ito ay kung paano magblock ng text messages na galing sa mobile numbers na wala sa kanilang contact lists.
Dapat ituro din kung paanong lumikha ng spam folder sa kanilang inbox at iba pang kahalintulad na features.
Puwede umano itong gawin sa pamamagitan ng kanilang websites o social media pages o maglagay ng posters sa kanilang physical stores.
Inatasan din sila na maglagay ng leaflets sa package ng mga bagong cellphones na naglalaman ng impormasyon hinggil sa paggamit ng text blocking, spam folder at iba pang kahalintulad na features.
Nakasaad sa memorandum na ang bagong kautusan ay dapat ipatupad sa loob ng 15 araw.
Madelyn Villar-Moratillo