Liderato ng Kamara nangako sa mga Pinoy sa U.S. na tutulungan ng Kongreso si PBBM para mapabuti ang kalagayan ng bansa
Magsisilbing inspirasyon sa pamahalaan ang mainit na pagsalubong ng Filipino community sa Estados Unidos kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Hapon ng Linggo oras sa US nang humarap si Pangulong Marcos, Jr., sa mga manggagawa at migranteng Pinoy sa New Jersey Performing Arts Center kasama si Romualdez, First Lady Liza Araneta Marcos at iba pang cabinet members.
Sinabi ni Romualdez ang suportang ipinakita ng Filipino community ay patunay ng pagtitiwala ng mga Pilipino sa Presidente.
Si Pangulong Marcos, Jr., ay nasa Amerika para magsalita sa United Nations General Assembly sa New York para iparating sa iba pang world leaders ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa ilang isyu tulad ng climate change, food security at rule of law.
Tiniyak ni Romualdez sa mga Pilipino sa U.S. na patuloy na gagampanan ng House of Representatives ang trabaho nito na magsulong ng mga batas at programa para mapabuti ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas at kabuhayan ng mga mamamayan upang hindi na sila mangibang bansa pa.
Pinapurihan din ni Romuladez ang ambag ng mga Overseas Filipino Worker o OFWs at migrants workers sa U.S. sa pamamagitan ng kanilang dollar remittances na nakatutulong ng malaki sa ekonomiya ng bansa.
Vic Somintac