NTC naglabas ng advisory kung paano makakaiwas sa text scam
Sa gitna nang talamak pa ring text scam sa bansa, naglabas na ng mga hakbang ang National Telecommunications Commission (NTC) na puwedeng gawin ng publiko para makaiwas rito.
Sa abiso ng NTC, ang una ay dapat na tukuyin muna kung ang natanggap na mensahe ay isang scam.
Kasama sa palatandaan ng text scam ay
kung hindi kilala ang numero ng sender at nag-aalok ng trabaho, premyo o pabuya, discounts at iba pa na mayroong clickable weblink.
Ayon sa NTC, ang dapat gawin ay huwag itong pansinin, huwag mag-reply at huwag i-click ang weblink.
I-screen shot ang mensahe kasama ang numero ng sender at i-report ito sa NTC.
Kapag naireport na, i-block ang mensahe at i-delete ito.
Ang report o sumbong ay maaaring ipadala sa NTC sa pamamagitan ng e-mail address na [email protected]
Mahalagang isama ang pangalan, address, email at contact numero ng nagreklamo, inirereklamong cellphone number, screenshot ng natanggap na text scam at photo ng anumang government-issued IDs.
Maaari din itong i-upload sa website ng NTC sa https://ntc.gov.ph at i-click lang ang “Text Scam Complaints” button, sagutan ang Text Scam Complaints Form at i-click ang “submit” button.
Madelyn Moratillo