Senador Francis Tolentino at Risa Hontiveros nagkainitan sa plenaryo ng Senado sa isyu ng Sugar importation
Nagkasagutan sa plenaryo ng Senado sina Senador Francis Tolentino at Risa Hontiveros sa isyu ng naunsyaming Sugar importation.
Isinalang kasi sa deliberasyon sa plenaryo ang Committee Report no. 4 ni Tolentino na nagrerekomenda para kasuhan ang apat na opisyal ng Department of Agriculture na lumagda sa kontrobersiyal na Sugar Order Number 4.
Samantalang inabswelto ang nagbitiw na si Executive Secretary Victor Rodriguez.
Giit ni Hontiveros, may batayan ang rekomendasyon ng Sugar Regulatory Board Officials dahil batay sa isinumiteng liham ng National Economic Development Authority, April pa lang ngayong taon may kulang na sa suplay ng asukal.
Pero giit ni Tolentino, hindi nakarating sa kanya ang importasyong ito at batay sa resulta ng kanilang imbestigasyon walang nangyaring konsultasyon bago ilabas ang rekomendasyon para sa sugar importation na isang malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas.
Kung may ganito raw impormasyon dapat inungkat na ito noong ini-imbestigahan ang isyu.
Pagtiyak ni Hontiveros, hindi matatakasan ni Rodriguez ang katotohanan kahit pa nagbitiw na siya sa pwesto o kahit saang posisyon siya ng gobyerno maitalaga.
Ang Committee Report ay pirmado na ng labing apat na miyembro ng Blue Ribbon Committee.
Pero kailangan itong isalang sa period of interpelations at aprubahan sa plenaryo.
Meanne Corvera