Dating Senate president Juan Ponce Enrile, inirekomenda sa Senado na ibalik na lang ang 1935 Constitution
Inirekomenda ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate president Juan Ponce Enrile na ibalik ang 1935 o ang 1973 Constitution kung aamyendahan ang saligang batas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments sa mga panukalang Charter Change, sinabi ni Enrile na ang 1935 Constitution, simple, maiksi at mas madaling maiintindihan ng taumbayan habang ang 1973 na saligang batas ay tumitiyak ng continuity ng mga programa at patakaran sa pamahalaan.
Pero may ilang probisyon pa rin aniya rito na dapat baguhin tulad ng pagdoble sa bilang ng mga kasalukuyang Senador.
Nang itakda kasi aniya ang paghahalal ng 24 na Senador, halos 12 milyon pa lamang ang mga Pilipino.
Mungkahi niya maghalal ng 48 na Senador pero 16 rito dapat palitan kada ikalawang taon sa pamamagitan ng halalan.
Sa ganitong paraan may mga papasok na mga bagong mambabatas na makakatulong sa intellectual capability ng mga nakaupong miyembro ng Senado.
Meanne Corvera