Mga nagpapakalat ng fake news , parurusahan na at pagmumultahin
Pagmumultahin na at posibleng makulong ang nagpapakalat ng fake news o mapanlilang na mga balita online.
Ito’y kapag napagtibay na ang Senate bill no 1296 ni Senador Jinggoy Estrada na layong masugpo ang paglaganap ng maling balita at mga maling impormasyon sa internet.
Sa panukala, pinaaamyendahan ang Section 3 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act kung saan ipinasasama ang fake news sa depenisyon ng mga termino at isama ito sa cybercrime offenses.
Kasama sa ituturing na fake news ang maling impormasyon at disinformation ng mga kuwento, katotohanan at balita na hindi berepikado at mga impormasyong binaluktot para iligaw ang kanilang mga followers.
Sa survey aniya na ginawa ng SWS noong December ng 2021, 70 percent ng respondents ang nagsabing malubha na ang problema sa fake news pati na ang paglipana nito sa internet.
Meanne Corvera