Manila LGU tuloy pa rin sa pagkumpiska ng driver’s license ng mga pasaway na motorista
Hindi titigil ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagkumpiska ng lisensya ng mga pasaway na driver na lalabag sa batas trapiko sa lungsod.
Giit ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, may sarili silang ordinansa patungkol sa kanilang traffic code.
Bagamat kinikilala aniya nila ang kapangyarihan ng Land Transportation Office, sila aniya ay may sarili rin namang awtoridad para ipatupad ang batas trapiko sa kanilang lugar.
Ang awtoridad aniya ng LGU para mag regulate ng traffic ay sa hiwalay na batas, dahil sila ay may sariling ordinansa.
Una rito, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na LTO lang ang may karapatan na mangumpiska ng lisensiya ng mga motorista na may traffic violation.
Ayon kay Abante, susulat rin ang Manila LGU kay Abalos para ipaalam ang kanilang posisyon sa isyu.
Ang traffic enforcer naman na si Clarence, nangangamba na kung mawawalan sila ng
awtoridad para magkumpiska ng lisensya tiyak mas marami ang magiging pasaway na motorista.
Ngayon pa nga lang aniya na nasuspinde ang No Contact Apprehension Law ay bumalik na naman ang mga pasaway.
Madelyn Villar – Moratillo