DSWD, mayroon pang sapat na pondo para sa pagtugon sa epekto ng mga kalamidad sa bansa
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na mayroon pang sapat na podo na magagamit para tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan na naaapektuhan ng kalamidad sa bansa.
Sinabi ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Rommel Lopez na nasa 1.2 billion pesos pa ang standby fund ng DSWD para sa disaster response at 186.4 million pesos pa ang quick response fund.
Ayon kay Lopez sa pananalasa ng bagyong Karding sa Region 1,2,3,4A, 4B at National Capital Region ay agad nabigyan ng tulong ang 2,408 families na mula sa 154 na mga Barangay at 2,238 families na nasa 194 na evacuation centers at inaasahan na madadagdagan pa ito matapos isagawa ang assessment sa epekto ng bagyo.
Kaugnay nito nanawagan ang DSWD sa mga residenteng nasa lugar na dinaanan ng bagyong Karding na makipag-ugnayan sa kanilang local government units at field office ng DSWD upang agad na mabigyan ng kaukulang tulong.
Inihayag ni Lopez na sakaling kulangin na ang standby fund at quick response fund ng DSWD ay agad naman itong pinupunan ng Department of Budget and Management o DBM para paghandaan ang posibleng kalamidad na maaaring tumama sa bansa partikular ang pananalasa ng bagyo.
Vic Somintac