Hazard Pay para sa mga miyembro ng disaster relief team isinulong sa Kamara
Ipinapanukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mabigyan ng hazard pay ang mga miyembro ng disaster relief team ng mga lokal na pamahalaan at volunteers na nagseserbisyo tuwing mayroong nagaganap na kalamidad sa bansa.
Sa House Bill 3108 ni Congresswoman Ria Vergara pina-aamyendahan ang Republic Act 10121 o The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act.
Sa naturang panukalang batas isinusulong na mapagkalooban ng 2,000 pesos kada buwan at tax free na hazard pay ang mga tauhan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO, Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office o BDRRMO, at accredited community disaster volunteers o ACDVs, sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Paliwanag ni Vergara tuwing may bagyo, lindol, malawakang pagbaha o trahedya, naririyan ang disaster relief teams at volunteers na ibinubuwis ang buhay at maaari na ituring na mga bayani dahil sa kanilang pagtulong sa mga biktima.
Ayon kay Vergara nakalulungkot na hindi nakasaad sa RA 10121 o anumang batas at ordinansa ang pagkakaloob ng hazard pay o katulad na kompensasyon para sa disaster relief teams at volunteers.
Sinabi ni Vergara na hindi umano pinagbigyan noon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang apelang compensatory benefits para sa mga disaster personnel dahil hindi sakop ng NDRRMC Fund.
Vic Somintac