BI kinukumpirma na sa Chinese Embassy ang pagkakakilanlan ng illegal POGO workers– Remulla
Inumpisahan na ng gobyerno ang pagkumpirma sa pagkakakilanlan ng mga nadakip na Chinese illegal POGO workers.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na nakikipagpalitan na ng impormasyon ang Bureau of Immigration (BI) sa Chinese Embassy para matukoy ang POGO employees.
Ayon sa kalihim, sa oras na makumpirma at matiyak ang identity ng Chinese nationals ay maaari nang umusad ang deportasyon o pagpapabalik sa mga ito sa Tsina.
Paliwanag pa ni Remulla natapos na rin ang summary deportation proceedings sa mga banyaga.
Nasa 281 Chinese POGO employees ang nasa kustodiya ng gobyerno sa Pampanga.
Una nang sinabi ni Remulla na posibleng sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ay masimulan na ang deportasyon sa mga dayuhan.
Moira Encina