Oral arguments ng SC sa mga petisyon laban sa NCAP, inilipat sa December 6
Mapapaaga ang oral arguments ng Korte Suprema sa mga petisyon na inihain laban sa implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Sa abiso mula sa Supreme Court Public Information Office, sinabi na inilipat sa December 6, 2022 ang petsa ng oral arguments sa NCAP petitions.
Ito ay mula sa naunang iskedyul na January 24, 2023.
Itinakda naman ng SC ang preliminary conference sa kaso sa November 4 sa ganap na 2:00 ng hapon.
Inatasan din ng Korte Suprema na bigyan ng kopya ng mga petisyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kasabay nito ay pinagkukomento rin ng SC ang MMDA sa mga petisyon laban sa NCAP sa loob ng 10 araw matapos na matanggap ang kopya ng abiso.
Una nang ipinag-utos ng SC ang pansamantalang pagpapatigil ng implementasyon ng polisiya sa limang lungsod sa Metro Manila.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang mga transport groups na KAPIT, PASANG MASDA, ALTODAP, at ACTO.
Gayundin ang abogadong si Juman Paa na nagmulta ng P20,000 dahil sa NCAP.
Iginiit ng petitioners na walang legal na batayan at labag sa Saligang Batas ang implementasyon ng NCAP kaya ito dapat ipawalang-bisa.
Moira Encina