Arawang kaso ng COVID-19 sa bansa posibleng abutin ng 4 hanggang 8 libo sa Oktubre
Posibleng abutin ng 4,000 hanggang 8,000 ang arawang kaso ng COVID- 19 sa bansa pagsapit ng katapusan ng Oktubre.
Ito ayon kay DOH OIC Ma. Rosario Vergeire ay kung patuloy na bababa ang bilang ng mga sumusunod sa minimum public health standards.
Kasabay nito, sinabi ni Vergeire na 13 sa 17 lungsod sa National Capital Region ang nasa kategorya ng moderate risk classification dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19.
Ayon kay Vergeire, kasama sa mga lugar na kanilang mahigpit na binabantayan ngayon sa NCR ay ang Pasig, Muntinlupa, Malabon, Makati, Navotas at Caloocan dahil sa tumataas na hospital admission.
Pero karamihan aniya rito ay mild at asymptomatic.
Matatandaang una nang sinabi ng DOH na nasa moderate risk na ang NCR.
Pero sa kabila nito, hindi pa rin aniya irerekumenda ng DOH ang pagbawi sa pinaluwag na face mask policy para sa mga nasa open space pero hindi crowded na lugar.
Ang pahayag ni Vergeire ay sa gitna nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Irerekumenda lang aniya ng DOH ang pagbabalik ng face mask policy sa open areas kapag may mga lugar na tumataas na ang severe at critical cases at ang health care utilization rate ay nasa 50 porsyento na pataas.
Samantala, sinabi ni Vergeire na sinimulan na ng technical working group ng Inter Agency Task Force Against COVID- 19 ang mga pag-aaral para sa pagluluwag ng border restrictions ng bansa.
Posibleng sa susunod na pulong aniya ay makabuo na ng rekumendasyon ang IATF.
Madelyn Villar – Moratillo