Mandatory drug test sa celebrities sa movie industry isinusulong ni Congressman Ace Barbers
Iginiit ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na sumailalim muna sa drug test ang lahat ng mga artista at iba pang celebrities bago payagang sumabak sa alinmang movie, television at iba pang showbiz projects.
Iminungkahi ni Barbers ang mandatory drug test sa mga movie celebrities makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang aktor na si Dominic Roco at apat na iba pa sa isang buy-bust operation.
Binigyang diin ni Barbers, mahalagang maging drug-free ang lahat ng mga public figures dahil sila ay iniidolo ng mamamayan lalo na ng mga kabataan.
Hinihikayat ni Barbers ang movie industry na tumulong sa kampanya laban sa ilegal drugs sa pamamagitan ng pagbabantay sa kanilang hanay at pagsasailalim sa drug test ng kanilang talents bago bigyan ng pelikula at anumang proyekto.
Vic Somintac