Renewable energy projects, hindi sakop ng foreign ownership restriction– DOJ
Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na mas bibilis na ang pagpasok ng foreign investments sa sektor ng renewable energy sa bansa.
Ito ay matapos ang inisyung legal opinion ng DOJ na nagsasabing hindi sakop ng 40% foreign ownership limit ang renewable energy projects.
Sa September 29 opinion ng DOJ, sinabi na ang foreign ownership restriction sa Konstitusyon ukol sa exploration, development at utilization ng likas na yaman ay hindi sumasakop sa enerhiya mula sa araw, hangin, at karagatan.
Ito ay para lang daw sa mga bagay na susceptible sa appropriation.
Ang intensyon daw ng limitasyon sa foreign ownership ay mai-preserba para sa mga Pilipino ang limitadong resources.
Pero sinabi ng DOJ na kailangan na amyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) ng RA 9513 o Renewable Energy Act of 2008.
Ayon pa sa DOJ, ang appropriation sa tubig na direkta sa source ay patuloy na sakop ng foreign ownership restriction sa Water Code.
Ang generation plants para sa conversion ng hydro to power ay bukas sa foreign ownership.
Inihayag ni Energy Secretary Raphael Lotilla na magbibigay daan ito para sa pagbubukas ng dayuhang investments sa renewable energy development.
Ayon kay Lotilla, mahalaga ang private sector investments sa pagkamit ng bansa sa renewable energy targets nito.
Moira Encina