6.9% September Inflation Rate, kayang pababain pa ayon sa mga negosyante
Bagama’t epekto ng external factor ang pagtaas ng inflation rate sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market at pagtaas ng halaga ng dolyar kontra piso, pero kaya pa itong pababain.
Ito ang inihayag ni Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry ( FFCCCI) Vice President Cecilio Pedro.
Sinabi ni Pedro sa pamamagitan ng episyenteng Public Private Partnership ( PPP ) partikular sa larangan ng agrikultura na may kinalaman sa food production, mapabababa pa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Pedro, kapag tinulungan ng gobyerno ang local farmers ay mapatataas ang food production tulad ng karne ng baboy, manok, isda at bigas na makapagbibigay ng food security ng bansa sa halip na umasa sa importasyon ng mga produktong agrikultural.
Ang FFCCCI ay kabilang sa grupo ng mga negosyante na pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang para sa economic recovery plan ng pamahalaan kaugnay ng epekto ng pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac