Single charger para sa lahat ng smartphones, ipatutupad ng EU lawmakers
Isang batas ang ipinasa ng EU parliament, na nag-aatas sa paggamit ng USB-C bilang single charger standard para sa lahat ng bagong smartphones, tablets at cameras simula sa huling bahagi ng 2024.
Ang batas na nakakuha ng 602 botong pabor at 13 tutol, ay magtutulak sa Apple (kahit man lang sa Europe) na palitan na ang kanilang “outdated” iPhones Lightning port ng USB-C na ginagamit na ng marami sa kanilang competitors.
Ang laptop makers naman ay magkakaroon ng mas mahabang panahon mula sa unang bahagi ng 2026 na sumunod na rin.
Sinabi ng EU policymakers, na ang single charger rule ay magpapadali sa buhay ng Europeans, mababawasan din ang maraming chargers at ang gastusin ng consumers.
Ayon sa EU competition chief na si Margrethe Vestager, sa pamamagitan nito ay inaasahang makatitipid ng hindi bababa sa 200 million euros ($195 million) kada taon at makababawas ng higit sa isanglibong tonelada ng electronic waste bawat taon.
Ang 27 mga bansa ng European Union ay tahanan ng 450 milyong kataong kabilang sa pinakamayamang mamimili o consumers sa buong mundo. Ang regulatory changes sa EU ay malimit na nagtatakda ng global industry norms na mas kilala sa tawag na Brussels Effect.
Ayon kay Maltese MEP Alex Agius Saliba, ang European Parliament pointman sa isyu, “Today is a great day for consumers, a great day for our environment. After more than a decade; the single charger for multiple electronic devices will finally become a reality for Europe and hopefully we can also inspire the rest of the world.”
Ang Apple, na pangalawang pinakamalaking seller ng smartphones kasunod ng Samsung, ay gumagamit na ng USB-C charging ports sa kanilang iPads at laptops.
Subalit tumanggi ito sa EU legislation na palitan ang Lightning ports sa kanilang iPhones, sa pagsasabing hindi iyon akma at magiging hadlang sa pagbabago.
Gayunman, ang ilang users ng latest flagship iPhones models ng Apple, na kayang kumuha ng “extremely high-resolution photos and videos” sa massive data files, ay nagrereklamo na ang bilis ng pag-transfer ng Lightning cable ay babahagya kumpara sa bilis ng USB-C.
Sa loob ng dalawang taon, ang EU law ay magiging aplikable na rin sa lahat ng handheld mobile phones, tablets, digital cameras, headphones, headsets, portable speakers, handheld videogame consoles, e-readers, earbuds, keyboards, mice at portable navigation systems.
Ang mga taong bibili ng device ay maaaring mamili kung kukuha ng mayroon o walang USB-C charger.
Ang mga tagagawa ng electronic consumer items sa Europe ay sumang-ayon sa isang single charging norm mula sa dose-dosenang nasa merkado isang dekada na ang nakalilipas sa ilalim ng isang voluntary agreement sa European Commission.
Ngunit tumanggi ang Apple na sumunod dito, at pinapanatili naman ng iba pang mga tagagawa ang kanilang mga alternatibong cable, ibig sabihin, mayroon pa ring anim na uri nito sa merkado, kabilang na ang lumang style na USB-A, mini-USB at USB-micro.
Ang USB-C ports ay kayang mag-charge ng hanggang 100 Watts, maglipat ng data ng hanggang 40 gigabits per second, at maaaring maging hook up sa external displays.
Nag-aalok din ang Apple ng wireless charging para sa mga pinakabagong iPhone nito – at may haka-haka na maaaring tuluyan na nitong alisin ang charging ports para sa cable sa kanilang future models. Ngunit sa kasalukuyan, ang wireless charging option ay may mas mababang power at data transfer speeds kumpara sa USB-C.
© Agence France-Presse