Transformational Reform, ibinida ni Justice Secretary Remulla sa UN Human Rights Council
Inilahad ni Justice Secretary Crispin Remulla sa United Nation Human Rights Council ang mga nakamit ng Pamahalaang Marcos sa unang 100 araw nito para matugunan ang mga isyu sa karapatang pantao.
Sa talumpati ni Remulla sa 51st Session ng UNHRC, inihayag nito ang “transformational reform” na isinusulong ng Marcos Government sa sektor ng hustisya at law enforcement ng bansa para matiyak na masunod ang rule of law at ang proteksyon sa karapatang pantao.
Tinukoy ng kalihim ang pag-refocus ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa anti-illegal drugs campaign ng bansa.
Nais aniya ni PBBM na ituon ito sa paghuli sa mga utak ng krimen at hindi sa small scale drug users.
Gayundin, sa rehabilitasyon, prevention, edukasyon, at pagtulong sa mga biktima at mga pamilya nito.
Binanggit din ng kalihim ang interdiscplinary program na ipinatupad para maitama ang mga mali ng mga alagad ng batas na umabuso sa kapangyarihan at sa tiwala ng publiko.
Aniya, nirireporma nila ang sistema upang maibigay sa mga Pilipino ang real justice in real time.
Iginiit pa ni Remulla na seryoso sila sa DOJ sa usapin ng human rights.
Katunayan aniya nito ang DOJ-led initiatives para mapabuti ang access sa hustisya at accountability mechanisms, re-training sa law enforcement personnel, at decongestion ng mga kulungan.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na plano nila na makapagpalaya ng 5,000 preso pagdating ng Hunyo sa susunod na taon.
Nagbigay din ng update ang kalihim sa rebyu ng DOJ sa anti-illegal drugs campaign
302 kaso na aniya ang nai-refer ng DOJ-led panel sa NBI para sa case build up.
Nanawagan naman si Remulla sa UNHRC na pakinggan nito ang Pilipinas at intindihin ang kinakaharap nitong mga hamon.
Moira Encina