Motion for reconsideration ni Maria Ressa sa cyber libel conviction, ibinasura ng Court of Appeals
Walang nakitang merito ang Court of Appeals (CA) sa inihaing motion for reconsideration (MR) nina Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler researcher Reynaldo Santos laban sa ruling na nagpapatibay sa cyber libel conviction sa mga ito.
Sa desisyon ng CA Fourth Division, hindi nito pinagbigyan ang apela nina Ressa at Santos na baligtarin ang pagkatig ng appellate court noong July 7, 2022 sa guilty verdict sa mga mamamahayag.
Nanindigan ang CA sa desisyon nito noong Hulyo na pinapagtibay ang ruling ng Manila Regional Trial Court laban kina Ressa.
Ang kaso ay kaugnay sa mapanira at malisyosong artikulo ng Rappler na inilathala sa website nito noong May 29, 2012 at ni-republish noong February 19, 2014 ukol sa complainant at negosyanteng si Wilfredo Keng.
Sa nasabing artikulo ng online news site, iniugnay si Keng kay dating Chief Justice Renato Corona na nahaharap sa impeachment case noon.
Pinaratangan din si Keng na sangkot ito sa drug trafficking at human trafficking base umano sa intelligence reports.
Ayon sa appellate court, naresolba na ang mga isyung inilatag sa apela ng mga akusado.
Iginiit pa ng CA na hindi layunin ng conviction kina Ressa na sagkaan ang kalayaan sa pamamahayag.
Samantala, dismayado pero hindi na ikinagulat ni Ressa ang desisyon ng CA.
Ayon pa sa kampo ni Ressa, iaakyat nila sa Korte Suprema ang kaso.
Hihilingin ng mga abogado ng dalawang akusado sa Supreme Court na rebyuhin at baligtarin ang desisyon.
Sa ruling ng CA noong Hulyo, hinabaan nito ang maximum prison time nina Ressa ng hanggang anim na taon, walong buwan at 20 araw.
Moira Encina